MANILA, Philippines - Pipilitin ni Arland Macasieb na mapanatiling hawak ang kampeonato sa Filipino male elite category sa gaganaping Cobra 70.3 Ironman na gagawin sa Cebu mula Agosto 4 at 5.
Si Macasieb ang may tangan ng Philippine record sa Ironman sa 9:44 at handa siya sa inaasahang matinding hamon mula kina Neil Catiil at Noy Jopson.
Si Catiil ang kampeon sa locals noong 2010 pero nabigong idepensa ang titulo nang dumanas ng hypoglycemia. Nagawa niyang tapusin ang karera at tumapos sa ikatlong puwesto.
Sasandalan naman ni Jopson ang suporta ng mga manonood dahil siya ay tubong Cebu. Kampeon siya sa unang Cobra Ironman noong 2009 at isang Ford Ironman World Championships qualifier sa Kailua-Kona, Hawaii, USA.
Ang tatlo ay itinalaga rin bilang Cobra Ironman brand ambassadors kaya’t inaasahan na sila ang magpapasikat sa hanay ng mga local triathletes.
Ito ang unang pagkakataon na ginawa sa Cebu ang kompetisyon at ang mga kasali ay makikipagtagisan sa 1.2-km swim mula sa beach ng Shangri-La Mactan at dito pa lamang ay puno na ng aksyon dahil ang naunang tatlong edisyon ay ginawa sa man-made lake.
“Cobra Energy Drink is very proud to bring back the country’s most anticipated sporting event now held in the wonderful island city of Cebu. We are very excited this year especially because of our Ironman champion endorsers Arland Macasieb, Neil Catiil and Noy Jopson; all of whom are high-caliber world class athletes that represent the Filipino’s indomitable spirit and world class qualify of Cobra Energy Drink,” wika ni Abe Cipriano, Marketing Manager ng Asia Brewery Incorporated.
Ang labanan sa mga dayuhan ay kaaabangan din dahil babalik si Pete Jacobs ng Australia para asamin ang ikatlong sunod na kampeonato. Magiging karibal niya si Terenze Bozzone ng New Zealand na dinomina ang karera noong 2009.
May sangkap na Taurine, Inositol, Ginseng at Vitamin B Complex ang Cobra Energy Drink kaya’t makakatiyak ang mga tumatangkilik na makakakuha sila ng nutrisyon sa bawat botelyang iinumin.