MANILA, Philippines - Sinandalan ng four-time defending champion Ateneo ang presensya ng seven-footer na si Greg Slaughter para daigin ang karibal na La Salle, 71-61, sa 75th UAAP men’s basketball kagabi sa MOA Arena sa Pasay City.
Si Slaughter ay tumapos na may 20 puntos at apat na inside points ang kanyang iniambag sa mahalagang 7-0 bomba para hawakan ng Blue Eagles ang 62-53 kalamangan.
Nagtala sina Kiefer Ravena at Nico Salva ng tig-16 puntos para sa Ateneo.
Pinuri ni coach Norman Black ang husay ni Slaughter na nagawang isantabi ang double-teaming defense ng mga malalaking tao ng Archers para makuha ang ikatlong tagumpay sa apat na laro.
“They tried to throw Greg off by mixing up their defense, sometimes they double him, somethimes they don’t. We just kept on pounding the ball down on him but it’s more of his willingness to give up the ball whenever he’s double teamed,” wika ni Black.
Lumayo ng hanggang 16 puntos ang Blue Eagles, 26-10, pero hindi agad na sumuko ang Green Archers sa likod ni LA Revilla.
Isinantabi ni Revilla ang pananakit ng kanyang sakong dahil sa tendonites at tumapos taglay ang 16 puntos, 7 assists at 5 rebounds.
Ang kanyang lay-up na nasundan ng pasa kay Jeron Teng na naipasok ang tres ang nagpatabla sa dalawang koponan sa 42-all bago ang 3-point play mula kay Luigi Dela Paz ang nagpatikim muli ng kalamangan sa La Salle, 45-44.
Angat pa ang La Salle sa 50-49 nang tapusin ng Eagles ang iskoring sa ikaltong yugto gamit ang lay-up at dalawang freethrows ni Ravena para sa 53-50 bentahe.
Ang drive ni Revilla ang naglapit sa Archers sa 53-55 bago nanalasa si Slaughter at ipalasap sa katunggali ang ikalawang pagkatalo matapos ang apat na laro.
Sa unang laro, umarangkada muli ang mabangis na laro ng UST sa second half upang makumpleto ang panghihiya sa naunang nagdominang host National University, 77-71.
Si Jeric Teng ay mayroong 21 puntos.