MANILA, Philippines - Nasa alanganin pa ang pagsama sa Azkals ni Fulham goal keeper Neil Etheridge.
Ayon kay Hans Michael Weiss, ang German coach na dumidiskarte sa Azkals, may laro ang Fulham sa mga playdates ng koponan sa Suzuki Cup na gagawin sa Thailand.
Maliban kay Etheridge, ang backup goal keeper na si Ronald Muller ay maaari ring hindi makasama sa Azkals dahil sa pangyayari.
Ang Pilipinas ay kasali sa tournament proper sa Suzuki Cup matapos pumasok sa semifinals noong 2010.
Ang mga laro ng Azkals sa elimination round ay sa Nobyembre 24, 27 at 30.
“I’ve talk with the goal keeper coach of Fulham and he knows about the program in November. If there is any chance of getting both out for those games, they will do it,” wika ni Weiss.
Ngunit malaki ang pangamba ni Weiss na hindi magiging produktibo ito para sa koponan dahil nakabinbin lahat ng kanilang preparasyon hanggang hindi nailalabas ang desisyon ng Fulham.
Bukod sa dalawang goal keepers, hindi pa rin tiyak ang ibang professional players tulad nina Dennis Cagara, Jerry Lucena at Paul Maulders na siyang pangunahing defender ng koponan.
Nauna ng sinabi ni Weiss na maaaring hindi na masama sa koponan ang magkapatid na sina Phil at James Younghusband kung hindi nila maibibigay ang buong oras sa koponan sa pagpasok ng buwan ng Setyembre.
Hindi naman nababahala si Weiss kung mawalan man siya ng mga mahahalagang players na kanyang sinandalan noong 2010 dahil tiwala siyang palaban pa rin ang kanyang mabubuong koponan.
Ang mga locals ay kanyang bibigyan ng exposures sa mga pagsasanay at friendly matches na gagawin ng koponan mula Agosto hanggang Nobyembre upang magkaroon ng kumpiyansa sakaling sila ang piliin para lumaban sa Pilipinas.