MANILA, Philippines - Nanood lamang mula sa kanilang bench ang itinuturing ni coach Yeng Guiao na ‘best player’ na si rookie Paul Lee.
Ngunit naroon naman sina Jeff Chan, Ryan Araña, Ronjay Buenafe at Best Import Jamelle Cornley, humakot ng 26 points, 15 rebounds at 5 assists, para sa Rain or Shine.
Nagtuwang sina Chan, Araña, Buenafe at Cornley sa second half para tulungan ang Elasto Painters sa 93-84 panalo kontra sa B-Meg Llamados sa Game Three para kunin ang bentahe sa 2012 PBA Governors Cup Finals kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Kinuha ng Rain or Shine ni Guiao ang 2-1 abante sa kanilang best-of-seven championship series ng B-Meg ni mentor Tim Cone na hindi na ginamit sina import Marqus Blakely at two-time PBA Most Valuable Player James Yap sa halos kabuuan ng second half.
Mula sa 46-38 lamang sa unahan ng third period ay pinalobo ng Elasto Painters, nasa kanilang unang finals stint matapos umakyat sa pro league noong 2006, sa 18 puntos ang kanilang kalamangan sa pagsasara nito, 70-52, bago iposte ang isang 21-point lead, 75-54, sa 10:56 ng fourth quarter.
Isang 11-0 atake naman ang ginawa nina Yancy De Ocampo, Jonas Villanueva, Mark Barroca at Josh Urbiztondo para ilapit ang Llamados sa 65-75 sa 8:32 ng laro.
Muling nakalayo ang Rain or Shine sa 81-65 sa 6:36 nito hanggang makadikit ang B-Meg sa 82-89 agwat sa huling 45.1 segundo buhat sa isang three-point shot ni Villanueva.
Apat na sunod na freethrows ang isinalpak ni Chan, umiskor ng 11 points sa third period, kontra sa basket ni Blakely upang iangat ang Painters sa 93-84 laban sa Llamados.
Rain or Shine 93 -- Cornely 26, Dhan 18, Ibanes 12, Buenafe 11, Norwood 10, Tang 6, Araña 6, Belga 4, Cruz 0.
B-Meg 84 -- Villanueva 18, Blakely 13, De Ocampo 13, Pingris 9, Yap 7, Barroca 6, Reavis 6, Gaco 4, Urbiztondo 4, Simon 4, Acuna 0.
Quarterscores: 19-23; 40-38; 70-58; 93-84.