LONDON--Sa kanyang sariling salita at sa mata ng kanyang coach, maganda ang ipapakita ni veteran Marestella Torres ngayong 30th Olympic Games.
“Handang handa na po ako,” nakangiting sabi ni Torres patungo sa training venue na malapit sa Olympic Village.
Maganda ang kanyang itsura at nasa kondisyon para tabunan ang masama niyang kampanya sa 2008 Beijing Olympics kung saan siya ay tumapos bilang pang 34 mula sa kabuuang 41 long jumpers.
Lumundag siya ng 6.17 meters.
Ang Marestella ngayon ay hindi na ang Marestella, apat na taon na ang nakararaan at ito ay napansin ng ibang coach.
“Marestella’s more focused now. She’s a great athlete. I’m sure she’s okay than when she was in Beijing. Look at her ,’’ wika ni swimming mentor Pinky Brosas kay Torres.
Sinabi ni Torres na “90 percent ready’’ na siya isang linggo bago ang kanyang event na nakatakda sa Agosto 7 kumpara sa Beijing kung saan hindi siya nagseryoso.
“Basta makasama lang sa Beijing,’’ nakatawang wika ni Torres.
Lumahok si Torres, isang four-time SEA Games champion sa kanyang event, sa isang three-week training camp na libreng ibinigay ng London Games organizers.
“Nagtiyaga talaga ako sa camp. Alam kong marami akong makukuhang maganda dito,” wika niya.
Isa sa nakuha niya ay ang pagiging pamilyar sa klima sa London.
Idedepensa ni Maureen Higa Magi ng Brazil ang kanyang gold medal matapos magtala ng 7.04m sa Beijing.
“Mabigat,’’ sambit ni Torres. Ang personal best na 6.71m ni Torres ay kanyang ipinoste sa 2011 Southeast Asian Games sa Palembang, Indonesia.
Iyon ay isa ring Olympic Class B qualifying mark.
Para paghandaan ang London Games, sumali si Torres sa dalawang Asian tournaments.
Pumangatlo siya sa kickoff leg ng Asian Grand Prix at pang lima sa ikalawang bahagi nito.
Sa kanyang panalo sa Asian All-Stars sa Almaty, Kazakstan, lumundag siya ng 6.62m.
“Sana good sign yun na mas maganda ang itatalon ko ngayon,” sabi ni Torres.