Manila, Philippines - Hindi mangingimi si Azkals coach Hans Michael Weiss na alisin sa koponan ang magkapatid na sina Phil at James Younghusband kung hindi nila maibibigay ang buong oras sa gagawing paghahanda ng koponan para sa 2012 Suzuki Cup.
Sa panayam kay Weiss na dumalo sa Memorandum of Agreement signing sa pagitan ng Philippine Football Federation (PFF) at Department of Education (DepEd) para sa pagtutulungan ng dalawa sa isinasagawang nationwide Kasibulan Program para sa mga batang lalaki at babae na edad 6 hanggang 12, sinabi nitong nakausap na niya ang magkapatid at malinaw niyang naipahayag ang kanyang mensahe.
Naintindihan umano nina Phil at James ang bagay na ito at nangakong aayusin ang mga gawing hindi sakop ng PFF at Azkals hanggang sa susunod na buwan.
“I am in very good contact with them and we have very good relations. I don’t want to cut them off and I understand their personal situation. But we need them not in their 70 percent fitness or commitment but 100 percent because this tournament will be very tough,” wika ni Weiss.
Ang magkapatid na kilala sa kanilang husay sa paglalaro ay abala sa mga endorsements at iba pa na nakadagdag sa kanilang mga pangangailangan.
Hindi naman ito ang pagkakataon na nagkaroon ng problema sa magkapatid dahil sa ganitong bagay ngunit sa pagkakataong ito ay kailangan ng kumilos ni Weiss upang magkaroon ng disiplina sa koponan.
Sa Agosto sisimulan ang pagsasanay ng Azkals sa pamamagitan ng US training na magtatagal ng halos 15 araw at plano ni Weiss na magdala ng 20 manlalaro at hindi pa kasama rito ang magkapatid na Younghusband.