P40M budget para sa PBA
Manila, Philippines - Hindi man kasama sa priority sport sa talaan ng Philippine Sports Commission, hindi naman ito mangangahulugan na magkukulang ng pondo ang Philippine Badminton Association (PBA) kung pantustos sa kanilang programa sa susunod na apat na taon ang pag-uusapan.
Binudyetan ng PBA board ang asosasyon ng P40 milyon kada taon para igugol sa mga kakailanganin, kasama ang programa at paglahok sa mga torneo para maihanda ang kasalukuyang national elite at junior team players sa mga malalaking kompetisyon.
Ang pondo ay magmumula sa Bingo Bonanza Corporation at Sun Cellular na pag-aari ni Manny V. Pangilinan na chairman din ng PBA, at kasunod ito ng pagkuha sa serbisyo ni Atlanta Olympics gold medalist sa doubles Rexy Mainaky ng Indonesia bilang national coach.
“The funds will be use mostly for exposures of the athletes to create international standard level players. I told coach Rexy I’m giving him everything he wants so you have to deliver,” wika ni PBA secretary-general at 3rd District Congressman ng Negros Occidental Alfredo Benitez na humarap sa mga mamamahayag kahapon sa Rizal Memorial Badminton Hall.
Naniniwala naman si Benitez na lahat ng ginawa nila ay hindi masasayang dahil mahusay si Rexy at agad na kumilos para makapili ng 23 batang manlalaro mula sa iba’t-ibang lugar sa bansa para sa junior pool.
- Latest
- Trending