STA. CRUZ, Laguna, Philippines --Napanatili ng Letran ang pagdodomina sa Emilio Aguinaldo College nang angkinin ang 65-62 panalo sa idinaos na 88th NCAA men’s basketball kahapon sa nag-uumapaw na San Luis Sports Complex dito.
Kumamada ang Knights ng 22-0 run na nangyari sa pagitan ng ikatlo at ikaapat na yugto para hawakan ang 58-45 bentahe ngunit kinailangan pa ring magpakatatag dahil sa kawalan ng focus upang makapanakot pa ang Generals.
“We practiced very hard. Actually for San Beda game ang pinaghandaan namin. So kung ganyan ang inilaro namin, tinambakan kami,” wika ni Knights coach Louie Alas na napanatili ang winning streak sa Generals na nagsimula noon pang 2009.
Matapos hawakan ang pinakamalaking kalamangan sa laro na 13 puntos, nagkalat ang Knights para makabangon ang EAC.
Si Remy Morada ay may dalawang tres habang isa ang ibinigay ni Jan Jamon sa pangganting 15-4 palitan upang makadikit sa dalawa ang Generals, 62-60.
Pero gumawa ng tatlong free throws si Kevin Alas na tinapatan ng malapitang buslo ni Russell Yaya upang manatiling dikit ang iskor sa 65-62.
Natapos lamang ang laban ng Generals nang tumama sa back rim ang sana’y panablang tres na binitiwan ni Jamon.
Si Kevin ay mayroong 23 puntos, 6 rebounds, 6 assists at 1 steal habang si Jamieson Cortes at Jonathan Belorio ay may 11 at 10. May 12 boards din si Cortes para ibigay sa Knights ang ikalawang sunod na panalo tungo sa 3-3 karta.