MANILA, Philippines - Masakit ang likod ni James Yap, ngunit hindi ito ipinahalata ng two-time PBA Most Valuable Player awardee.
Kumolekta si Yap ng 24 points, kasama rito ang isang mahalagang jump shot sa huling 15.6 segundo sa final canto, at 9 rebounds para tulungan ang B-Meg sa 85-80 tagumpay laban sa Rain or Shine sa Game Two ng 2012 PBA Governors Cup Finals kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Itinabla ng Llamados ang kanilang best-of-seven championship series ng Elasto Painters sa 1-1 matapos isuko ang 80-91 kabiguan sa Game One noong Linggo.
Matapos kunin ng Rain or Shine ang 26-21 lamang sa first period ay bumawi ang B-Meg sa likod nina Yap, PJ Simon at import Marqus Blakely, nagsalpak ng tatlong freethrows sa dulo ng fourth quarter, para itala ang 44-41 abante sa halftime.
Tumapos si Blakely na may 17 points, tampok ang perpektong 3-of-3 shooting sa three-point line, at 6 rebounds sa first half.
Inilista ng Llamados ang isang nine-point lead, 54-45, sa 7:58 ng third quarter bago kunin ang isang 11-point advantage, 58-47, sa 6:14 nito buhat sa basket ni Simon hanggang maitabla ng Elasto Painters ang laro sa 74-74 sa 5:25 ng final canto mula sa fastbreak layup ni Best Import Jamelle Cornley.
Nagtuwang naman sina Yap at Simon upang muling ilayo ang B-Meg, nagkampeon sa nakaraang PBA Commissioner’s Cup, sa 80-74 sa huling 2:22 ng laro kung saan muling na-dislocate ang kaliwang balikat ni rookie Paul Lee.
Ang dalawang freethrows ni Cornley ang naglapit sa Rain or Shine, nasa kanilang unang finals appearance matapos umakyat sa pro league noong 2006, sa 78-80 sa huling 37.1.
Subalit isinalpak ni Yap ang krusyal na fadeaway jumper sa nalalabing 15.6 segundo para iangat ang Llamados sa 82-78 kasunod ang mintis na three-pointer ni Gabe Norwood sa huling 11.1 segundo.
Samantala, bagamat napatalsik ng B-Meg sa playoff para sa ikalawang finals berth, nasikwat naman ni Mark Caguioa ng Barangay Ginebra ang kanyang ikalawang sunod na Best Player of the Conference award.
Nakasuot ng gray long sleeves at black pants, tinanggap ng 2001 PBA Rookie of the Year awardee ang BPC trophy para sa 2012 PBA Governors Cup matapos ungusan sina Gary David ng Powerade, Marc Pingris at James Yap ng B-Meg at rookie Paul Lee ng Rain or Shine.
Ang Best Import trophy naman ay nakamit ni Jamelle Cornley ng Rain or Shine.
Sumunod si Caguioa, inaasahang kikilalanin bilang 2012 PBA Most Valuable Player sa Linggo, sa mga yapak ni Jay Washington ng Petron Blaze na hinirang na Best Player of the Conference ng dalawang sunod na beses sa isang PBA season. (RC)
B-Meg 85 - Blakely 26, Yap 24, Simon 16, Barroca 8, De Ocampo 6, Villanueva 2, Pingris 2, Reavis 1, Urbiztondo 0.
Rain or Shine 80 - Cornley 18, Chan 12, Lee 11, Cruz 10, Norwood 9, Buenafe 7, Ibañes 7, Belga 4, Araña 2, Tang 0, Quiñahan 0.
Quarterscores: 21-26, 44-41, 65-60, 85-80.