MANILA, Philippines - Dalawang batang lalaking gymnasts ang mabibigyan ng pagkakataon para makapagsanay sa China sa loob ng isang taon.
Sina 12-anyos Carlos Edriel Yulo at 14-anyos Jan Gwynn Timbang na parehong multi-gold medalists sa huling Palarong Pambansa sa Pangasinan ay tutungo sa China matapos pumasok ang Philippine Good Works Mission Foundation Inc. (PGMFI) para pondohan ang pagsasanay.
Ang PGMFI ay tumulong at maglalabas ng P1.2 milyong pondo para gamitin sa pagsasanay matapos makiusap ang Gymnastics Association of the Philippines (GAP) at inendorso rin ni PSC chairman Ricardo Garcia at POC president Jose Cojuangco Jr.
“Pinag-aralan namin ang buhay ng mga batang ito at talagang mahihirap din sila. Paano din namin tatanggihan ang paghingi ng tulong ng GAP kung inindorso ito ni Mr. Garcia at Mr. Cojuangco,” wika ni PGMFI president Ma. Lourdes Varona.
Naunang sinipat ng PSC ang Russia para sa pagsasanay pero mas minabuting makipag-ugnayan na lamang sa China dahil mas malapit ito at madaling mamo-monitor ang pagsasanay ng mga bata.
Aakto bilang guardian si national coach at 1991 SEA Games gold medalist Ricardo Otero at sisikapin din niyang pagmasdan ang pagtuturo na ibibigay ng mga Chinese coaches para siya niyang gawin kapag nakabalik ng bansa.
Makikilatis ang mga matututunan nina Yulo at Timbang sa paglahok ng mga ito sa 2014 Youth Olympic Games sa Nanjing, China.