MANILA, Philippines - Bibisita sa Pilipinas ang isa sa pinakasikat na wrestlers ng World Wrestling Entertainment (WWE) na si Rey Mysterio sa Biyernes at Sabado para imbitahan ang mga Pilipino na tangkilikin ang wrestling sa bansa.
Dadalaw ang Mexicanong wrestler sa iba’t ibang mga programa at istasyon ng ABS-CBN. Kabilang dito ang “Umagang Kay Ganda” at “It’s Showtime” ng ABS-CBN, “Game Day” sa Balls (SkyCable ch 34), at sa ilang mga programa sa Studio 23 at MYX.
Nakilala si Mysterio sa kanyang mga kampeonato mula sa ilang malalaking laban sa WWE katulad ng cruiserweight championship at magkahiwalay na tunggalian ng WWE at WCW Tag Team Championships.
Nagkampeon rin siya sa Royal Rumble laban sa 30 wrestling superstar sa kabila ng pagiging isang 5-foot-6.
Sumikat din siya sa kanyang mga finishing move na 619 at West Coast Pop.
Makakasalamuha ni Mysterio ang kanyang mga fans sa Sabado mula alas-4 ng hapon hanggang alas-6 ng gabi sa Trinoma Activity Center.
Dalawang-daan na masusuwerteng Kabarkada rin ang mabibigyan ng VIP seats at mabibigyan ng pagkakataong makakuha ng autograph at makapagpa-picture kay Rey Mysterio.
Kinakailangan lamang nila mag-register sa www.Studio23.tv.
Isa sa mga isinusulong ng WWE ay ang “Anti Bullying Campaign” kaya naman magbibigay si Mysterio ng gabay at inspirasyon ang mga kabataang biktima ng karahasan mula sa Bantay Bata 163 sa pamamagitan ng isang pananghalian.
Mapapanood ang kabuuan ng pagbisita ni Rey Mysterio sa Pilipinas sa “Mysterio sa Pinas” na ipapalabas sa August 5, 2012, 8:30pm-9:00pm sa Studio 23.