MANILA, Philippines - Tinapik ng Globe Telecom si Emelio “Chieffy” Caligdong bilang kanilang ambassador para sa sports na nagpapatingkad sa estado ng Azkals player bilang isa sa mga tinitingala sa larangan ng football.
“We are very excited to welcome Chieffy as part of our roster of ambassadors. Chieffy is a living proof that a homegrown talent can figure prominently in the international sports arena, giving all of us Filipinos the pride and honor of being represented by a passionate sports icon like him,” wika ni Ernest Cu, ang pangulo at CEO ng kumpanya sa press conference kahapon sa Legend Villas Hotel sa Mandaluyong City.
Ang bagong papel para sa 29-anyos na si Caligdong, assistant skipper ng Azkals ay magreresulta upang makasama siya sa mga programa na gagawin ng Green Archers Globe Footbal Club tulad ng pagtukoy sa mga batang may potensyal sa sport at ang pamamahagi ng kanyang kaalaman sa isasagawang clinics sa 2013.
“Dream come true ito para sa akin dahil matagal ko nang gustong mapasama sa programa na makakatulong para sa development ng football. Hanggang nandito ako, magiging isa ako sa inspirasyon ng mga bata hindi lamang sa paglalaro kundi pati sa tamang pag-uugali,” ani Caligdong.
Ang pagtuturo ng football sa kabataan ay bahagi ng Corporate Social Responsibility (CSR) ng Globe na ang layunin ay himukin ang mga may kaya sa pagpapatayo ng 10,000 classrooms na gagamitin ng mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng The Entire Nation (TEN) Moves.