LONDON — Nasa dulo ng kanyang pagtakbo sa umaga sa Athletes Village, bumagal si judoka Tomohiko Hoshina para kumaway at ngumiti sa isang grupo ng Japanese athletes na patungo sa dining hall.
Ito rin ang ginawa ng Filipino-Japanese athlete sa kanyang bawat nasasalubong sa kanyang 40-minute jog na nagpasaya sa kanyang mga kakampi sa Philippine Team para sa 30th Olympic Games dito.
Si Hoshina ay palakaibigan at madaling lapitan.
At tapat rin siyang sabihin kung bakit niya suot ang Philippine uniform sa kanyang unang paglahok sa Olympic Games.
Sinabi ng 25-na si Hoshina na mas pinili niyang katawanin ang Pilipinas sa mga qualifiers para sa London Games kesa sa Japan kung saan mas maraming magagaling sa kanya.
“Small chance in Japan,” sambit ni Hoshina. “ There in the Philippines easy.”
Walang problema kung alinman sa Pilipinas at Japan ang katawanin ni Hoshina sa Olympics at maging sa iba pang international tournaments dahil taglay niya ang dual citizenship.
Ang kanyang inang si Vilma Aldaba ay tubong Malolos, Bulacan at nagtatrabaho sa American base sa Japan at ikinasal sa isang Japanese serviceman na namatay nang si Hoshina ay 13-anyos pa lamang.