Wesley So nagkampeon sa Toronto
Manila, Philippines - Nakamit ni Filipino Grand Master Wesley So ang titulo ng Crown Section sa 2012 Toronto International Chess Championship.
Pormal na nasikwat ng 17-anyos na pambato ng Bacoor, Cavite ang korona matapos magtala ng kabuuang 6.0 points mula sa kanyang 5 wins at 2 draws.
Tinalo ni So si IM Nikolay Noritsyn (5.5 points) ng Canada para sa premyong $4,000.
Kabuuang 18 rated players na tinampukan ng tatlong GMs, limang IMs at dalawang FMs buhat sa Pilipinas, Canada, Lithuania at Israel ang lumahok sa torneo.
Magpapatuloy ang kampanya ni So sa paglahok sa Quebec Open Chess Championship 2012 sa Montreal, Canada.
Si So ang kakatawan sa bansa sa 2012 World Chess Olympiad sa Agosto 27 hanggang Setyembre 10 sa Istanbul, Turkey.
- Latest
- Trending