MANILA, Philippines - Magbabalik ang 2006 champion Julius Sermona sa 36th National Milo Marathon Finals matapos dominahin ang Angeles City Regional qualifying kahapon sa Angeles City.
Hindi ininda ng 34-anyos na national trackster din na si Sermona ang pagbuhos ng ulan na nagpahirap sa ruta nang isantabi niya ang hamon ng beteranong sina Alley Quisay at Ryan Mendoza tungo sa pangunguna sa kalalakihan.
Naorasan si Sermona ng 1:13:02 sa 21-kilometrong karera at naagwatan niya ng isang minuto at siyam na segundo si Quisay (1:14:11) habang si Mendoza na dating pambato ng bansa sa larangan ng duathlon ay nagtala ng 1:17:32 tiyempo.
Ang di kilalang si Merdeliza Dizu ang siyang kuminang sa kababaihan nang hiyain niya ang 2002 champion na si Geraldine Sealza.
Dikitan ang labanan ng dalawa pero bumira si Dizu sa huling 200 metro para solong tawirin ang finish line tungo sa 1:36:02 tiyempo. Si Sealza ay may 1:37:21 habang si Mary chiel Minas-Morales ang pumangatlo sa 1:41:04.
Halagang P10,000 ang napanalunan nina Sermona at Dizu.