Phl flag itinaas na sa Athletes Village
LONDON--Sinalubong ng kanta at sayaw ang Team Philippines sa kanilang pagdalo sa flag raising ceremony dito.
Sa loob ng 30minuto sa Plaza sa Athletes Village, kumanta at nagsayaw ang 120 performers suot ang makulay nilang mga damit na ikinasiya ng Filipino contingent bilang bahagi ng flag-raising ritual bago ang opisyal na pagbubukas ng 30th Olympic Games.
Walo sa 11 national athletes, limang team officials at ilang panauhin mula sa Philippine Embassy at Filipino community ang naging bahagi ng seremonya kung saan itinaas ang watawat ng bansa sa naturang Olympic tradition.
Habang tinutugtog ang national anthem at itinaas ang watawat ng bansa, inilagay naman ng Filipino ang kanilang kanang kamay sa kaliwang dibdib.
Itinampok din sa seremonya ang palitan ng mga regalo kung saan nanguna sina chief of mission Manny Lopez at Village mayor Charles Allen.
“Our time has come. We can’t wait to see you display your athletic talents,” sabi ni Allen.
Nagbigay si Lopez sa Village head ng replika ng isang golden passenger jeepney na inilagay sa isang espesyal na kahon at bilang kapalit ay nakatanggap naman ng isang stainless postcard na may nakaukit na Big Ben, Buckingham Palace at London Bridge.
- Latest
- Trending