MANILA, Philippines - Namayagpag ang LPGMA-American Vinyl sa 2012 Tour de Jakarta sa Indonesia mula sa panalo ni Cris Joven.
Naorasan ang LPGMA-American Vinyl sprinter ng bilis na tatlong oras, 31 minuto at 15 segundo para pagharian ang 165-kilometer criterium race.
Maliban sa tagumpay ni Joven sa individual race, nagwagi din ang LPGMA-American Vinyl sa team general classification mula sa dominasyon nina Irish Valenzuela, Rustom Lim at Ronnel Hualda sa karera na may basbas ng Union Cycliste Internationale (UCI).
“Binibigay namin lahat ang aming makakaya sa bawat karera, local man o sa labas ng bansa,’’ sabi ni LPGMA partylist representative Arnel Ty, ang co-owner ng koponan kasama si cycling enthusiast at businessman Eric Sy.
Idinagdag ni Ty na patuloy silang sasali sa malalaking karera bilang bahagi ng kanilang “grassroots development program’’ kung saan ay nakakadiskubre sila ng mga kabataan na may potensyal at tini-train upang maging magaling na siklista.
Ang 22-anyos na si Joven ay produkto ng limang taong programa ng LPGMA para sa sports na nagsimula noong 2009.
Ang siklista na galing sa Iriga City, Camarines Sur ay bumusilak bilang isa sa pinakamagaling na atleta sa cycling sa buong bansa dahil sa matinding training program at pag-aalaga ng LPGMA sa loob ng apat na taon.
“Committed kami sa programang ito para makatulong sa mga kabataan na mula pa sa mga probinsya at upang palakasin ang sports natin sa buong bansa,’’ wika ni Ty.
Ang mga siklistang sina Rudy Roque, Edmundo Nicolas at Lim ay nadiskubre rin ng LPGMA at sinasanay ni former two-time Tour champion Renato Dolosa. Si Valenzuela, pumangalawa sa individual overall ng Ronda Pilipinas noong nakaraang buwan.
Si Hari Fitrianto ng Indonesia ay tumawid dalawang segundo pagkatapos ni Joven, ang nanalong sprint king ng nakaraang Ronda Pilipinas, habang si Patria Rastra ng koponang Colossi Miche naman ay pumangatlo, 12 segundo paglampas ni Joven sa finish line.
Pang-anim na dumating sa finish line si Lim.