MANILA, Philippines - Masolo ang liderato sa 88th NCAA men’s basketball ang balak ng nanggugulat na University of Perpetual Hel System Dalta sa pagbangga ngayon laban sa Jose Rizal University sa The Arena sa San Juan City.
Ikalawang laro dakong alas-6 ng gabi matutunghayan ang sagupaan ng dalawang koponan na kabilang sa apat na koponang may winning records.
Ang isa pang humahataw na San Sebastian ay makikipagtagisan sa nasa ibabang Lyceum na siyang unang laro sa ganap na alas-4 ng hapon.
Magkasalo ngayon ang Altas at San Beda sa 4-1 baraha kaya kung mananalo pa ang tropa ni coach Aric del Rosario ay lalawig pa ang pinakamagandang simula ng koponan sa liga sapul noong 2004.
Sariwa ang Altas sa 84-64 panalo sa St. Benilde noong nakaraang Huwebes lalong pagtibayin ang pagiging title contender ng koponan sa taong ito.
“Sinabi ko lamang sa kanila na sikaping samantalahin ang pagkakataong ibinibigay sa kanila. Hindi ko naman inasahan na ganito ang mangyayari sa amin dahil nilampaso kami sa pre-season,” wika ni Del Rosario.
Ikaapat na dikit na panalo naman ang nakataya sa Stags sa pagsukat sa husay ng Lyceum sa tampok na laro dakong alas-6 ng gabi.