Manila, Philippines - Sasalang uli sa ring si dating WBO female super bantamweight champion Ana Julaton sa Agosto 3 laban kay Magali Rodriquez ng Mexico na maaaring magdetermina kung mapapalaban pa ba siya sa isang title fight.
Ang laban ay gagawin sa Polifunctional dela Colonia Francisco, Villa Oriente sa Kanasin, Yucatan at ito ay inilagay sa loob ng 10 rounds.
Galing ang 32-anyos na si Julaton mula sa unanimous decision panalo laban kay Yolanda Segura ng Mexico na ginanap sa Yucatan noong Mayo 4.
Umasa si Julaton na ang nakuhang panalo ay magbubukas ng pinto sa posibleng rematch nila ni Yesica Marcos ng Argentina na tinalo siya sa unanimous decision noong Marso 16 sa Argentina.
Pero hindi kumagat ang kampeon para tanggapin ni Julaton ang laban kontra sa 19-anyos na si Rodriquez na may 7 panalo sa 12 laban.
Inaasahang gagamitin ni Julaton ang kanyang karanasan bilang isang dating kampeon para manalo sa mas batang katunggali.
Sakaling malusutan si Rodriguez, hindi lamang si Marcos ang kanyang sisipatin kundi posible rin niyang hamunin ang mananalo sa unification fight sa pagitan nina WBA champion Jackie Nava ng Mexico at WIBA champion Lisa Brown ng US sa Agosto 18.