Manila, Philippines - May ngiting dumating sa London sina archers Mark Javier at Rachel Cabral at Fil-Japanese judoka Tomohiko Hoshina kahit pagod mula sa mahabang pagbiyahe.
“Very tired,” wika ni Hoshina matapos pumasok sa Olympic Village mula ng Biyernes ng umaga upang magkaroon na ng siyam na atleta ang Pilipinas na nasa London para sa Olympics.
Noong Huwebes ng umaga ay dumating naman sina long jumper Marestella Torres, 5000m runner Rene Herrera, shooter Brian Rosario, swimmers Jessie Lacuna at Jasmine Alkhaldi at weightlifter at flag bearer ng bansa sa opening ceremony Hidilyn Diaz.
Si PH team Chief of Mission Manny Lopez ang siyang sumalubong sa mga dumating na atleta at sinamahan niya hanggang sa makapasok ang mga ito sa Olympic Village na kinatatampukan ng 2,818 town houses na siyang hihimpilan ng mga atleta ng kasaling bansa sa loob ng tatlong linggo.
“It was smooth. No problem at all as far as checking in the village is concerned,” wika ni Lopez
Bagamat mainit ang pagtanggap sa mga bisita, hindi naman nagpapabaya ang organizers kung seguridad ang pag-uusapan dahil mula sa pagsakay ng mga delegasyon ng bus para ihatid sa Village ay binabantayan na nila ito.
Wala ring problema kung pagkain ang pag-uusapan dahil ang dining hall ay mas malaki pa sa isang football field at nakalatag rito ang iba’t-ibang Continental cuisine para pagpistahan ng mga atleta.