Manila, Philippines - May ipinaparadang two-time PBA Most Valuable Player ang Llamados sa katauhan ni James Yap bukod pa sa mga eksperyensadong sina PJ Simon, Marc Pingris, Yancy De Ocampo, Rafi Reavis at magaling na import na si Marcus Blakely.
Ngunit ang matibay na determinasyon naman ang makikita sa mga mata ng Elasto Painters.
“Sa amin, masasabi mo na walang nagdodominang isa o dalawang players sa team. Tulungan lang talaga lahat. Kapag malas ‘yung isa dapat ‘yung iba mag-step up,” sabi ni coach Yeng Guiao sa kanyang Rain or Shine na nasa kanilang kauna-unahang finals appearance sapul nang pumasok sa liga noong 2006.
Ito naman ang pangalawang sunod na finals stint ng B-Meg ni Tim Cone, nasa kanyang pang 25 finals bilang head coach, at pang 23 sa kabuuan.
Magsasagupa ang Elasto Painters at Llamados sa Game One ng kanilang best-of-seven championship series ngayong alas-6 ng gabi para sa 2012 PBA Governors’ Cup sa Smart-Araneta Coliseum.
Ang Rain or Shine ang unang koponang nakasikwat ng finals ticket, habang tinakasan naman ng Llamados ang Ginebra Gin Kings, 74-72, sa kanilang playoff para sa ikalawang finals berth noong Biyernes na tinampukan ng winning shot ni Simon sa huling 2.5 segundo ng laro.
Aminado si Cone, may 14 PBA titles sa Alaska Aces, na hindi nila maaaring balewalain ang Elasto Painters kahit na ito ay bagito pa sa isang championship series.
“Admittedly, they’re a tough match-up for us,” wika ni Cone sa Rain or Shine ni Guiao. “We’re gonna need big games from our guards. We gotta be creative and figure out mismatches.”
Sina import Jamelle Cornley, Jeffrey Chan, Gabe Norwood, Ronjay Buenafe, JR Quiñahan, Beau Belga at rookie Paul Lee ang muling sasandalan ng Elasto Painters, ang pinakamataas na nakamit ay dalawang fourth-place finish.
Naniniwala si Guiao, asam ang kanyang pang limang PBA crown matapos igiya ang Red Bull sa apat na titulo, sa kakayahan ng kanyang koponan.
“Pagpasok nila sa team ko, sa team namin, defined na ‘yung role nila na kung ano ‘yung sitwasyon nila, kung ano ‘yung papel nila. Hindi naman puwedeng gampanan mo lahat,” ani Guiao. “May kanya-kanyang roles sila para sa success ng team.”