MANILA, Philippines - Patutunayan ng UST na isa silang contender sa taong ito sa pagharap sa UP sa pagpapatuloy ngayon ng 75th UAAP men’s basketball sa MOA Arena sa Pasay City.
Kalaban ng Tigers ang UP dakong alas-4 ng hapon at pakay ng koponan ni coach Alfredo Jarencio na makuha ang ikalawang dikit na panalo matapos ang tatlong laro.
Ang UE at Adamson ay mag-uunahan naman sa paghablot ng unang tagumpay sa unang tagisan sa alas-2 ng hapon.
Inilampaso ang Falcons ng four-time defending champion Ateneo, 57-73, kaya’t tiyak na nais nilang makabawi.
Pero hindi sila puwedeng maging kumpiyansa laban sa tropa ni coach Jerry Codiñera dahil totodo ang Warriors para maputol ang dalawang dikit na kabiguan na bumulaga sa kampanya sa taon.
Galing sa kahanga-hangang 71-70 panalo ang Tigers sa Blue Eagles na kinatampukan ng pagbangon mula sa 19 puntos pagkakalubog sa second period.
Mula rin sa kabiguan ang Maroons sa kamay ng La Salle, 68-73, kaya’t umaasa si Jarencio na hindi magbabago ang ipakikita ng kanyang mga alipores sa pangunguna ni Aljon Mariano na gumawa ng 21 puntos at 13 boards at 13 sa ikatlong yugto na kung saan nadomina ito ng koponan tungo sa pagtangan ng momentum.
Ang Maroons ay sasandal sa mga beteranong sina Mike Silungan at Mike Gamboa para makapasok sa win column.