MANILA, Philippines - Kagaya ng dapat asahan, tinalo ng USA All-Stars sa pangunguna nina Chicago Bulls legends Scottie Pippen at Dennis Rodman ang Philippine All-Stars, 112-93, sa isang exhibition game kamakalawa ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ngunit ang umagaw ng eksena ay si dating Sacramento Kings at Miami Heat point guard Jason Williams na umiskor ng 26 points mula sa kanyang mga three-pointers at acrobatic lay-ups para sa USA All-Stars.
Ang two-handed dunk ni Pippen sa second quarter ang nagpasigla sa mga manood, habang tumipa naman si Rodman ng magkasunod na jump shots sa third period.
Hindi naman nagpahuli ang Philippine All-Stars nang idikit nina Nelson Asaytono, Bong Hawkins at Kenneth Duremdes ang laro sa third quarter.
Tumapos si Duremdes na may 29 points para sa Phl All-Stars, nakalapit sa USA All-Stars sa pitong puntos, 79-86, nang maisalpak ni Hawkins ang kanyang lay-up kasunod ang mga tres nina Pippen at Cliff Robinson para selyuhan ang kanilang panalo.
Sa huling 16 segundo ay inihinto ang laro para sa pagpapasalamat nina Pippen at Rodman.