MANILA, Philippines - Dugtungan ang mga magandang panimula sa 75th UAAP men’s basketball ang balak ng Ateneo at La Salle sa pagpapatuloy ng laro ngayon sa Araneta Coliseum.
Ikalawang dikit na panalo ang nakaumang sa Eagles at Archers kung kanilang maigugupo ang hamon ng UST at UE ayon sa pagkakasunod.
Mula sa 73-57 panalo laban sa Adamson, ang tropa ni coach Norman Black ay tiyak na masusukat sa larong ito dahil ang Tigers ay mas lumakas pa at may mga malalaking manlalaro na maaaring itapat sa Eagles.
Galing sa 72-73 pagyukod ang tropa ni coach Alfredo Jarencio at kahit masakit ang pagkatalong ito, naipakita naman ng Tigers na kaya nilang makipagsabayan sa pangunguna ng 6’7 na si Karim Adbul, shooter Jeric Teng, Jeric Fortuna at mga nagbabalik na sina Clark Bautista at Aljon Mariano.
Ang 7-footer na si Greg Slaughter, Nico Salva at Kiefer Ravena ang mangunguna sa Eagles na sasandal din sa kanilang ipinagmamalaking depensa para mapaamo ang mga Tigre.
Sariwa ang Archers sa 73-68 panalo laban sa UP at pinapaboran sila na makuha ang ikalawang sunod na panalo laban sa Red Warriors na lumasap ng 55-90 pagkatalo sa pagbubukas ng liga sa kamay ng host National University.