MANILA, Philippines - Ito ang pagkakataon na hindi maaaring pakawalan ng Elasto Painters.
Nagtayo ng isang 23-point lead sa dulo ng third period at nalampasan ang paghahabol ng B-Meg sa fourth quarter, ipinoste ng Rain or Shine ang 92-82 panalo para angkinin ang unang finals berth sa 2012 PBA Governors Cup kahapon sa Smart-Araneta Coliseum.
Ito ang kauna-unahang finals appearance ng Wellbest franchise sapul nang umakyat sa pro league noong 2006.
Ang pinakamataas na narating ng Elasto Painters sa isang conference ay pang apat sa 2009 Fiesta Conference at sa 2012 Philippine Cup.
“Matagal na kaming hindi nakakarating sa finals, ako personally, and I’m happy for the team owners. It’s a historic moment for the franchise,” sabi ni coach Yeng Guiao sa Rain or Shine na natalo ng tatlo sa kanilang limang laro sa carryover semifinal round.
Mula sa 23-20 lamang sa first period ay pinalaki ng Rain or Shine ang kanilang bentahe sa 17 puntos, 48-31, sa 4:45 ng second quarter hanggang iposte ang malaking 23-point lead, 74-51, sa 2:07 ng third canto.
Sa likod nina Jonas Villanueva, Jerwin Gaco, Mark Barroca, PJ Simon at import Marcus Blakely, inilapit ng B-Meg ang laro sa 82-88 agwat sa huling 55.2 segundo ng fourth period.
At iyon na ang huling pagkakataon na nakadikit ang Llamados.
Kasalukuyan pang naglalaro ang Ginebra at Talk ‘N Text kung saan ang mananalo ang lalabanan ng B-Meg para sa ikalawang finals ticket bukas ng alas-6:45 ng gabi sa Big Dome.
Rain or Shine 92 - Chan 25, Cornley 16, Buenafe 11, Cruz 9, Lee 8, Norwood 7, Belga 7, Quinahan 7, Ibanes 2, Tang 0, Arana 0.
B-Meg 82 - Blakely 18, Yap 12, Villanueva 11, Barroca 10, Simon 9, Pingris 8, De Ocampo 6, Gaco 4, Reavis 4, Urbiztondo 0.
Quarterscores: 23-20; 49-41; 74-58; 92-82.