MANILA, Philippines - Matapos si Manny Pacquiao, si Sonny Boy Jaro naman ang nakalasap ng isang split decision loss.
Natalo si Jaro kay Japanese challenger Toshiyuki Igarashi kasabay ng pagkakahubad sa kanyang hawak na World Boxing Council (WBC) flyweight title kamakalawa ng gabi sa Saitama, Japan.
Nabigyan ang 30-anyos na si Jaro ng 116-112 puntos, subalit nakakolekta naman ang 28-anyos na si Igarashi ng 115-113 at 116-112 puntos mula sa tatlong judges.
Naagaw naman kay Pacquiao ang kanyang dating hawak na World Boxing Organization (WBO) welterweight title matapos matalo kay Timothy Bradley, Jr. mula sa isang kontrobersyal na split decision noong Hunyo 9 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Bagama’t nakakapasok ang kanyang mga suntok, hindi ito sapat para ibigay sa kanya ng dalawa pang judges ang panalo laban kay Igarashi.
May 34-11-5 win-loss-draw ring record ngayon ang pambato ng Silay City, Negros Occidental na si Jaro kasama ang 24 KOs, habang may 16-1-0 (10 KOs) card naman si Igarashi. Ang WBC belt ni Jaro ay nanggaling sa kanyang pagpapabagsak kay Pongsaklek Wonjongkam (83-4-2, 44 KOs) ng Thailand sa 6th round noong Marso 2 sa Chonburi, Thailand.