MANILA, Philippines - Bumangon si Roberto ‘Pinoy Superman’ Gomez mula sa kanyang first session five-rack outing na 6:43 minuto para sa mas mabilis niyang 5:21 minuto sa second session upang iposte ang kabuuang qualifying round time na 12:04 minuto sa 10-Ball Speed Challenge ng Guinness World Pool.
Dahil sa kanyang panalo, pinalakas ni Gomez ang kanyang tsansa para sa isang silya sa Top 32.
Sa bagong format ng 10-Ball speed pool, pinag-aralan muna ng mga players ang torneo kung saan nabigo kaagad si Gomez.
Maliban kay Gomez, ang iba pang naging top performers ay sina Karl Boyes (4:24 minuto) at Chris Melling (4:20 minuto) ng Great Britain.
“Hindi ko talaga alam kung paanong approach ang gagawin ko sa table,” sabi ni Gomez sa first session. “Ginaya ko ‘yung style ng laro ng mga British boys (Boyes at Melling) kaya gumanda ang laro ko sa second session.”
Naorasan naman sa first session sina 2011 World 8-Ball Champion Dennis Orcollo at Jeffrey De Luna ng 04:31 at 05:20 minuto, ayon sa pagkakasunod.
Sa Speed Pool challenge, kabuuang 40 players ang sasabak sa dalawang sesyon na may limang lamesa bawat isa. Sa Top 32, lalaruin ito sa isang single knockout format papunta sa semifinals na magtatampok sa mga players sa isang face-off sa limang lamesa.
Ang may pinakamagandang oras ang aabante sa finals na isang seven- rack shootout.
Ang 2012 Guinness World Series of Pool--Speed Pool Tournament ay may basbas ng Asian Pocket Billiard Union (APBU).