JRU asam ang ikaapat na sunod na panalo
MANILA, Philippines - Masaya si Jose Rizal University coach Vergel Meneses sa tatlong dikit na panalo na nakuha ng kanyang koponan sa 88th NCAA men’s basketball tournament.
Pero hindi naman ito nangangahulugan na dapat silang ilagay agad bilang title favorites dahil marami pang laban ang kanilang dadaanan.
“Malayo pa ang laban at anything can still happen,” wika ni Meneses na naitala rin ang kanyang best start sa tatlong taon na pag-upo sa Heavy Bombers bench.
Sa gabing ito ay masusukat na ang tunay na kalidad ng JRU dahil katapat nila sa ganap na alas-6 ng gabi ang San Sebastian Stags.
“This is our first real test. Hindi ko naman sinasabi na mahihina ang mga naunang nakalaban namin pero ito talaga ang test dahil champion team ang San Sebastian,” dagdag ni Meneses.
Bagamat may ipinagmamalaking Nate Matute na naghahatid ng 25 puntos sa naunang tatlong laro, kasama ang career high na 30 puntos nang gibain ang Emilio Aguinaldo College, 90-79, noong Hulyo 5.
Mahalaga rin ang larong ito para sa Stags dahil ikatlong sunod na panalo ang kanilang maipoposte para umangat sa ikalawang puwesto na solong hawak ngayon ng Perpetual Help.
- Latest
- Trending