Pacquiao nakiramay sa pamilya ni Dolphy
MANILA, Philippines - Imbes na pag-usapan ang kanyang susunod na laban ay mas pinili ni Manny Pacquiao na makiramay sa pamilya ng namayapang si Comedy King Dolphy.
“Condolence sa pamilya niya. Ipag-pray natin siya,” sabi ni Pacquiao makaraang dumating sa bansa kahapon ng madaling-araw makaraan ang pagbabakasyon sa United States kasama ang kanyang asawang si Jinkee.
Naiwan pa sa US ang kanilang mga anak.
Lumapag ang Philippine Airlines flight (PR-103) sa Ninoy Aquino International Airport ganap na alas-5:55 ng madaling-araw sakay sina Pacquiao.
Ayon kay Pacquiao, karapat-dapat na ituring si Dolphy bilang National Artist.
“Deserving naman talaga siya sa award,” wika ni Pacquiao.
Nagmula si Pacquiao sa isang kontrobersyal na split decision loss kay Timothy Bradley, Jr. kung saan naagaw sa kanya ng American fighter ang hawak niyang World Boxing Organization (WBO) welterweight crown noong Hunyo 9 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Sa kabila naman ng rematch clause sa kanilang fight contract, wala pa ring desisyon ang 33-anyos na si Pacquiao kung muling haharapin ang 28-anyos na si Bradley.
Binitawan ni Bradley ang dating suot na WBO light welterweight belt para idepensa ang welterweight title sa kanilang rematch ni Pacquiao sa Nobyembre 10.
Handa naman si Bradley (29-0-0, 12 KOs) sa kanilang rematch ni Pacquiao (54-4-2, 38 KOs) para mapatunayan na siya talaga ang nanalo sa kanilang laban noong Hunyo 9.
Kung hindi matutuloy ang Pacquiao-Bradley rematch ay nasa listahan ni Arum ang 38-anyos na si Juan Manuel Marquez para sa kanilang ikaapat na laban ni ‘Pacman’.
- Latest
- Trending