Seguridad at venues sa Olympics plantsado na
MANILA, Philippines - Lahat ng bagay para sa ikatitiyak ng tagumpay ng 30th Olympiad ay ginawa na ng host London.
Ito ang inihayag ni British Embasssy Charge D’Affaires Trevor Lewis nang dumalo sa press conference na itinaguyod ng Solar Sports sa Hotel Sofitel kahapon.
Ayon kay Lewis, ang mga venues ay handa na habang ang seguridad ay plantsado na upang ipakitang wala ng problemang haharapin ang London sa kanilang ikatlong pagtayo bilang host ng pinakaprestihiyosong kompetisyon sa mundo.
Bago ito ay itinaguyod ng London ang 1908 at 1948 Olympics upang maging kauna-unahang bansa na nagdaos ng Olympics sa tatlong pagkakataon.
Magkakaroon ng 302 events sa 26 sports sa taong ito at lahat ng 202 member countries ng IOC ay inaasahang may ipadadalang atleta.
Ang Pilipinas ay mayroong 11 manlalaro na kakampanya sa medalya at ang kanilang mga ipakikita ay isasaere ng Solar Sports.
Ikalawang Olympics na ito ng Solar at mas malawak ang gagawing pagsasaere sa palaro dahil tinapik din ng kumpanya ang AKTV bilang official free TV partner bukod pa sa paggamit ng Basketball TV at Talk TV para maiparating ang mga nangyayari sa London habang ginagawa ito.
“Solar will be airing the Olympics 24/7 from the opening on July 27 to the closing ceremony on August 12. AKTV will be our official partner in free TV while Talk TV will be provi-ding news coming from the Olympics news channel,” wika ni Solar president Wilson Tieng na sinamahan ni CEO Peter Chanliong.
Ang mga panlaban ng bansa ay sina Rene Herrera at Marestella Torres sa athletics, Jessie King Lacuna at Jasmine Alkhaldi sa swimming, Mark Anthony Barriga sa boxing, Brian Rosario sa shooting, Hidilyn Diaz sa weightlifting, Mark Javier at Rachel Cabral-dela Cruz sa archery, Tomohiko Hoshina sa judo at Daniel Caluag sa BMX cycling.
- Latest
- Trending