Mayweather Best Fighter ng ESPY

MANILA, Philippines - Dahil na rin sa kontro-bersyal na split decision loss ni Manny Pacquiao kay Timothy Bradley, Jr. noong Hunyo 9 ay si Floyd Mayweather, Jr. ang hinirang na 2012 Best Fighter sa 20th ESPY Awards.

Tinalo ni Mayweather para sa naturang kara­nga­lan sina undefeated Andre Ward at UFC light hea­vyweight champion Jon Jones.

Binigo ni Mayweather si Miguel Cotto para sa World Boxing Association (WBA) light middleweight crown noong Mayo 5 bago siya dumiretso sa Las Vegas County Prison para pagsilbihan ang 84 araw na pagkakakulong bunga ng kasong domestic violence na isinampa ng kanyang dating ka live-in.

Ang laban nina Pacquiao at Mayweather ang inaasahan pa rin ng mga boxing fans sa buong mundo na mapaplantsa ma­tapos madiskaril ng tatl­ong beses.

Samantala, hinamon naman ni Bradley, ang bagong World Boxing Organization (WBO) wel­ter­weight champion, si Pacquiao para sa isang rematch sa Nobyembre 10 na siya namang nakasaad sa kanilang fight contract.

Kumolekta si Bradley ng 115-113 iskor mula kina judges Duane Ford at Cynthia J. Ross, habang 115-113 ang nakuha ni Pacquiao kay Jerry Roth.

Sinabi ng 28-anyos na si Bradley (29-0-0, 12 KOs) na sawang-sawa na siyang makarinig ng mga intriga hinggil sa kanyang panalo sa 33-anyos na si Pacquiao (54-4-2, 38 KOs), ang tanging Asian fighter na nagkampeon sa walong magkakaibang weight divisions.

Show comments