Bedans makikisalo uli sa unahan

MANILA, Philippines - Ikatlong sunod na panalo ang kapwa tatargetin ng nagdedepensang kam­peon na San Beda at Mapua sa pagpapatuloy ng 88th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Makakasukatan ng Red Lions ang Perpetual Help sa ikalawang laro na magsisimula matapos ang tagisan ng Cardinals at Lyceum sa ganap na alas-4 ng hapon.

Hindi pa nakakatikim ng kabiguan ang Lions ma­tapos ang dalawang laro at kung magwawagi pa ay makakasalo uli sa lide­ratong tangan ng nang­gu­gulat na Jose Rizal University (3-0).

Ang kalaban lamang ng tropa ni rookie coach Ronnie Magsanoc ay ang magiging epekto ng 10-day break.

Kailangang manatili ang tikas ng Lions dahil ang Altas na naunang hiniya ang host Letran, 69-66, ay palaban upang makaba­ngon agad matapos ang 65-80 pagkatalo sa San Sebastian.

Ikatlong dikit na panalo matapos ang apat na laro naman ang pakay ng Cardinals laban sa Pirates na sariwa sa pagputol sa tatlong dikit na kabiguan nang iuwi ang 83-81 pananaig sa Emilio Aguinaldo College.

Patuloy na hindi pa rin magagamit ng Cardinals ang apat nilang rookies sa pangunguna ni Gabriel Banal pero tiwala si coach Chito Victolero na lalaban pa rin ang kanyang bataan kahit siyam lamang sila sa bench.

Pihadong mangunguna uli si Josan Nimes na sa dalawang panalong kinuha ay naghatid ng 21.5 puntos average.

Ngunit may maaasahan siyang suporta mula sa ibang kakampi sa pangu­nguna ni Kenneth Ighalo na humablot ng 23 rebounds at umiskor ng 13 laban sa Generals.

“Kailangan lamang ay maging consistent kami,” wika ni Victolero.

Hindi naman hahayaan ng Pirates na masayang ang momentum na naku­ha sa huling panalo at sasandal sila sa husay nina Rich Guevarra, Shane Ko at Chris Cayabyab para ma­kaahon sa pagkakasalo sa huling puwesto kasama ang Letran, Emilio Aguinaldo at Arellano.

Show comments