AZKALS nalagay sa group of death
MANILA, Philippines - Tunay na masusukat ang tibay ng Philippine Azkals matapos masama sa malalakas na koponan sa Group elimination ng 2012 Suzuki Cup na lalaruin sa dalawang bansa mula Nobyembre 24 hanggang Disyembre 1.
Sa isinagawang draw kahapon sa Thailand, nalagay sa grupo ang Azkals kasama ang host Thailand, dating kampeon Vietnam at ang mananalo sa qualifier mula Oktubre 5-13.
Ang mga maglalaban sa qualifier na ito ay ang host Myanmar, Cambodia, Timor Leste, Brunei at Laos at hindi malayong ang host country ang magdomina rito upang masama sa Group A.
Ang nagdedepensang kampeon na Malaysia na siyang host sa Group B ay makakasama ng runner-up noong 2010 na Indonesia, Singapore at ang papangalawa sa qualifier.
Hindi biro ang laban na susuungin ng Pilipinas dahil ang Vietnam at Thailand ang number one at two sa FIFA rankings sa South East Asia sa 120 at 135.
Nais din ng Vietnam na bawian ang Azkals matapos ang di inaasahang 2-0 panalo noong 2010 sa sariling bansa dahilan upang marating sa unang pagkakataon ng Pinas ang semifinals ng kompetisyon.
Hindi naman natitinag ang pamunuan ng Azkals sa pangunguna ni team manager Dan Palami sa tsansa ng Azkals na maduplika ang pag-usad sa semifinals sa taong ito.
“We have been able to overcome challenges on and off the with our team work. We will make sure we will have the best available players to represent the country,” wika ni Palami.
Nakipag-ugnayan na ang Philippine Football Federation (PFF) sa mga mother ballclubs ng Fil-Foreign Azkals players para maipahiram ang mga ito sa gagawing malalim na pagsasanay.
Kasama na rito ang biyahe sa US sa susunod na buwan para sa tune-up games at kasama sa lalabanan ng Azkals ay ang Chicago Inferno na isang kilalang koponan sa nasabing bansa
Isasali rin ang Azkals sa limang bansang torneo sa India na Nehru Cup bukod pa sa mga planong friendly games sa Indonesia at Malaysia.
Sasabak din sa aksyon ang Azkals sa Long Teng Cup na gagawin sa Bacolod na siya nilang huling torneo bago ang Suzuki Cup.
- Latest
- Trending