MANILA, Philippines - Tinapik ng Philippine Olympic Committee ang 21-anyos na lifter Hidilyn Diaz para maging flag bearer ng Pambansang delegasyon na lalaro sa London Olympics.
May 13 manlalaro ang Pilipinas pero kay Diaz ibinigay ang karapatang bitbitin ang watawat ng Pilipinas sa opening ceremony matapos maging kauna-unahang lady lifter na nasali sa Olympics sa huling dalawang taon.
Unang nakipagtagisan si Diaz sa Beijing Olympics pero mas makulay ang pagpasok niya sa London dahil nakuha niya ang criteria na itinalaga ng International Weightlifting Federation (IWF) nang nasama sa unang sampung puwesto sa women’s 58-kilogram division.
Ang tubong Zamboanga City na si Diaz ay nalagay sa ikasiyam na puwesto matapos ang magandang ipinakita sa IWF tournaments na ginawa sa Paris at Pyeongtack, South Korea.
“Hidilyn is the unanimous choice of the board. I know she’ll be elated once she receives the good news,” wika ni Team Philippines Chief of Mission Manny Lopez.
Lalabas din si Diaz bilang kauna-unahang atletang babae ng bansa na itinalaga bilang flag bearer ng Pambansang delegasyon.
Bagamat ika-20 ng lumalahok ang Pilipinas sapul noong 1924, walong atleta pa lamang ang ninombra para sa nasabing posisyon.
Si Simeon Toribio ng athletics ang kauna-unahang flag bearer ng bansa na nangyari noong 1936 sa Berlin Olympics.
Ang iba pang binigyan ng ganitong pagkakataon ay sina boxer Manfredo Alipala noong 1964 sa Tokyo, cager Jimmy Mariano noong 1972 sa Munich, Germany, trackster Isidro del Prado noong 1984 sa LA, boxer Reynaldo Galido noong 1996 sa Atlanta, taekwondo jin Donald Geisler noong 2000 Sydney, boxer Christopher Camat noong 2004 sa Athens, Greece at Pambansang kamao Manny Pacquiao noong 2008 sa Beijing.
Si Diaz sa kasalukuyan ay nasa London kasama ang mga swimmer na sina Jasmine Alkhaldi at Jessie King Lacuna, shooter Brian Rosario, boxer Mark Anthony Barriga, long jumper Marestella Torres at 5000m runner Rene Herrera para sa libreng pagsasanay na handog ng London Olympics organizers.
Ang iba pang panlaban ng bansa ay sina Fil-Japanese judoka Tomohiko Hoshina, Fil-Am BMX rider Daniel Caluag at mga archers na sina Mark Javier at Rachel Ann Cabral-dela Cruz.