LONDON--Sumabak ang pitong Filipino athletes sa kanilang ikalawang linggo sa tatlong training camps na walang anumang iniisip na problema at sakit sa katawan bilang paghahanda sa 30th Olympic Games.
Ayon kay Team Philippines administrative officer Arsenic Lacson, walang naging suliranin ang naturang mga atleta sa unang linggo ng kanilang three-week buildup kung saan nila nakasabayan ang ilang Olympians mula sa host nation at iba pang bansa.
“They’re doing well and extremely happy to have availed of the camp. Everybody is fine and healthy,” wika ni Lacson matapos bisitahin ang tatlong training camps.
Ang mga atletang nagkaroon ng pagkakataon na makasabayan ang ibang Olympians mula sa Britain, Singapore at Estonia sa Surrey Sports Park ay sina swimmers Jasmine Alkhaldi at Jessie Khing Lacuna, lalahok sa 100-meter freestyle at 200-m freestyle events, ayon sa pagkakasunod.
“It’s really a good opportunity to train with them. Kaya sinabi ko kina Jessie at Jasmine na sabayan at dikitan lang sa lapping para mahila sila at masubukan sa training,” sabi ni swimming coach Carlos Brosas.
Sa Churchill shooting range sa loob ng West Wycombe, tinapos naman ni skeet shooter Paul Brian Rosario ang kanyang unang linggo ng pagsasanay kung saan siya pinuri nina coach Gay Corral at shooting sports psychologist Lesley Goddard.
Kumpiyansa naman si Phl team chief of mission Manny Lopez, magtutungo sa London sa susunod na linggo, sa eksperyensang nakukuha ng mga atleta sa kanilang mga training camps.
Ang iba pang atleta na magsasanay dito ay sina boxer Mark Anthony Barriga, weighlifter Hidilyn Diaz, long jumper Marestella Torres at 5,000-m bet Rene Herrera kasama sina coaches Roel Velasco (boxing), Tony Agustin (weighlifting) at Joseph Sy (track and field).
Nagdala naman ng pagkaing Pinoy ang Philippine embassy officials sa pamumuno ni Rey Catapang at mga miyembro ng Filipino community kina Diaz at Barriga nang hindi nila makain ang nakahanda sa kusina sa kanilang unang mga araw.
“Nagdala ng Pinoy foods. Parang hindi pa sanay noong una ‘yung dalawa (Hidilyn and Barriga) sa pagkain dito,” ani Lacson.
Sinabi naman nina Torres at Herrera na nakapag-adjust na sila sa klima sa London, lalo na sa Guildford Spectrum na kanilang pinagsasanayan.
Ang iba pang miyembro ng koponan ay sina judoka Tomohiko Hoshina, BMX rider Danny Caluag at archers Mark Javier at Rachelle Ann Cabral.