Jaworski naging emosyonal sa jersey retirement
MANILA, Philippines - Sa harap ng kanyang libu-libong tagahanga na sumugod sa Smart-Araneta Coliseum, pinasalamatan ni Robert Jaworski, Sr. ang mga taong naging bahagi ng kanyang buhay at basketball career mula sa college league hanggang sa professional rank.
Pormal na iniretiro kahapon ng Philippine Basketball Association (PBA) ang No. 7 jersey ng 66-anyos na si Jaworski, ang 1978 Most Valuable Player awardee.
“Nawala 'yung pagka-macho ko sa inyo dahil naiiyak ako,” pambungad ni Jaworski nang ipakilala para sa pagreretiro ng kanyang jersey number.
Bukod sa kanyang pamilya, sumaksi rin sa jersey retirement ni Jaworski ang mga dating Ginebra players na sina Bal David, Marlou Aquino, Noli Locsin, Leo Isaac, Vince Hizon, Pido Jarencio, Sonny Cabatu, Romy Mamaril at Wilmer Ong at dating coach sa Toyota na si Dante Silverio.
“Defeat or failure must be laid temporary. Kahit na po barbero ka, kahit mekaniko ka o kahit ano ka pa man,” ani Jaworski. “Once again, you have to dare to fail but commit to reaching the goal and sooner or later you will make it. Iyan po ang tinatawag na never say die, never.”
Ayon sa tinaguriang 'The Living Legend', hindi niya ikinukunsidera ang pagreretiro ng kanyang jersey number bilang pagwawakas ng kanyang basketball career.
Sa kanyang 23-year pro career, si Jaworski ay hinirang na PBA Most Valuable Player noong 1978, naging miyembro ng PBA 25 Greatest Players of All Time, isang six-time First Mythical Team member at two-time Second Mythical team member.
Sa taon kung kailan siya kinilala bilang PBA MVP, nagtala si Jaworski ng mga averages na 20 points, 12 rebounds at 8.8 assists per game para igiya ang Toyota sa dalawang korona.
Tinanghal rin si 'Jawo' bilang two-time PBA Defensive Player of the Year at four-time PBA All-Star.
Ang huling pagkakataon na nakita si Jaworski na naglaro ay noong Mayo 30, 2003 kung saan naglaban ang magkaribal na Toyota at Crispa sa isang reunion game sa Big Dome.
- Latest
- Trending