Caligdong sa Azkals pa rin
Manila, Philippines - Hangaring matulungan pa ang Azkals na magtagumpay sa malalaking torneong lalahukan sa taon ang nagtulak kay Emelio “Chieffy” Caligdong upang piliin ang manatili sa bansa kaysa sumama sa pamilya patungong Texas, USA.
Ang maybahay niyang si Renrose na isang nurse, ay nakakuha ng trabaho sa Texas at kasama ang mga anak na sina 4-taon Roberto at 2-taon Andre ay nabigyan na ng visa upang anumang araw ay maaari ng lumipad paalis ng bansa.
Isinasama na ang 29-anyos na left wing player ng Azkals pero matapos ang pagmumuni-muni, ay nagdesisyon na maiwan muna sa Pilipinas hanggang matapos ang taon.
“Kung saan maganda ang buhay nila, ang future nila, susuportahan ko sila. Pero wala akong sinabi na iiwan ko na ang Azkals. Sa ngayon ay maglalaro pa ako sa Azkals sa taong ito,” wika ni Caligdong na kilalang iskorer at sa 2011 Long Teng Cup ay naghatid ng apat na goals upang ilagay ang Pilipinas sa ikalawang puwesto at angkinin ang Golden Boot Award.
Ang Long Teng Cup ay lalaruin sa taong ito sa Panaad Football Pitch sa Bacolod City mula Oktubre 3 hanggang 7 at ito ang huling torneo ng Azkals bago kumampanya sa 2012 Suzuki Cup Group elimination mula Nobyembre 24 hanggang Disyembre 1 sa Malaysia o Thailand, depende kung saan na grupo malalagay ang Pilipinas.
- Latest
- Trending