MANILA, Philippines - Binago uli ni Nate Matute ang kanyang career-high tungo sa 30 puntos upang ibandera ang Jose Rizal University sa 90-79 panalo sa Emilio Aguinaldo College sa idinaos na 88th NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Pitong tres ang naipasok sa sampung tira ni Matute sa laro at dalawa rito ay ibinagsak sa puntong bumabangon ang Generals para ibigay kay third year coach Vergel Meneses ang pinakamagandang start sa 3-0 karta.
“Most of our offense run on Nate. He has been carrying us the past three games and I hope he will continue to keep on improving,” wika ni Meneses kay Matute na gumawa ng 29 puntos sa huling laro kontra sa Arellano.
Ang rookie na si Michael Mabulac ay tumapos taglay ang 14 puntos at 11 rebounds, si John Lopez ay mayroong 11 puntos, 9 rebounds, 6 assists at 2 blocks habang si Alex Almario ay may 11 puntos at 7 assists para sa JRU na nasolo uli ang paghawak sa liderato sa sampung koponang liga.