One-conference ban kay Don
MANILA, Philippines - Katulad ng dapat asahan, pinatawan ng parusa ng Philippine Basketball Association (PBA) si Don Allado ng Barako Bull dahil sa kanyang akusasyon na may nangyayaring ‘game fixing’ sa professional league.
Isang one-conference ban ang ipinataw ni PBA Commissioner Atty. Chito Salud sa 13-year veteran bukod pa sa multang P500,000 kung saan ang P300,000 ay mapupunta sa players’ educational trust fund at ang P200,000 ay ibibigay sa isang charitable institution na gusto niyang pagbigyan.
Ang nasabing P500,000 na multa ay siya nang pinakamalaki na naipataw sa isang PBA player.
Sa kanilang pulong kahapon sa PBA Commissioner’s Office, humingi ng patawad ang 33-anyos na si Allado kay Salud hinggil sa kanyang mga pinagsasabi sa Twitter ilang oras matapos matalo ang Energy sa Powerade Tigers, 95-99, noong Martes sa unang playoff para sa ikaanim at huling semifinals seat sa 2012 PBA Governors Cup.
“The PBA is my home, I would never do anything to harm its name and integrity,” sabi ng 6-foot-6 na si Allado. “There’s no game-fixing in the PBA, there never was. I’m sorry for what happened, I hope the fans could forgive me and put it behind.”
Pinaalalahan na ni Salud si Allado at maging ang lahat ng PBA players na mag-ingat sa paggamit ng Twitter at Facebook.
“Ang Twitter at ang Facebook ay public media na rin ‘yan eh, at marami tayong mga fans na sumusunod diyan,” sabi ni Salud. “So I’m taking this occasion to remind all our players to exercise caution diyan sa mga pagtu-tweet nila dahil maaaring makasama ‘yan sa liga na kung saan sila naman ay naghahanap-buhay.”
Sa kanyang Twitter account na @alotofDon, inilahad ng dating De La Salle Green Archer na may nangyayaring ‘game fixing’ sa liga.
- Latest
- Trending