MANILA, Philippines - Kinuha ng Pilipinas ang ikalawang sunod na panalo sa 2012 World Pool Team Championship nang ilampaso ang Estonia, 5-1, na ginawa noong Lunes sa Tongzhou Luhe High School sa Tongzhou, Beijing.
Walang naging problema sina Efren Reyes, Francisco Bustamante, Dennis Orcollo at Rubilen Amit sa hamong ibinigay ng Estonia na binuo nina Erki Erm, Joonas Saska, Mark Magi at Anna Grintosuk nang isang beses lamang natalo sa anim na events na kinapalooban ng tagisan sa 8-ball, 9-ball at 10-ball.
Bago ang Croatia ay tinalo muna ng Pilipinas ang Indonesia, 4-2, para selyuhan na ang puwesto sa Knockout stage bitbit ang perpektong anim na puntos.
Tatangkain ng pambato ng bansa na walisin ang Group A sa pagharap sa Croatia.
Ang dalawang koponan ng host China, Great Britain, Japan at Chinese -Taipei ay nakakuha na rin ng puwesto sa knockout round nang kunin ang ikalawang sunod na panalo.
Ang China I na binuo nina Li He Wen, Fu Jianbo, Liu Haitao, Fu Xiaofang at Pan Xiao Ting ay nagwagi sa Malaysia, 4-2, sa Group B habang ang China II na kinatawan nina Dang Jinhu, Dai Yong, Han Haoxiang, Liu Shasha at Chen Siming ay nanaig sa Singapore, 6-0, sa Group C.
Ang Great Britain na binalikat nina Darren Appleton, Daryl Peach, Chris Melling, Mark Gray at Kelly Fisher ay inilampaso ang India, 6-0, sa Group E; ang Japan na kinatawan nina Yukio Akagariyama, Toru Kuribayashi, Naoyuki Oi at Chihiro Kawahara ay nanalo sa Vietnam, 4-2, sa Group D at ang Chinese Taipei na binuo nina Chang Jung Lin, Fu Che Wei, Ko Pin Yi at Chieh Yu Chou ay nangibabaw sa Norway, 6-0, sa Group F.
Ang papangalawang koponan matapos ang Group eliminations ay aabante rin habang ang apat na koponan na may pinakamagandang puntos pero tumapos sa ikatlong puwesto ang kukumpleto sa 16 koponan na magtatagisan para sa kampeonato at $80,000 gantimpala.