MANILA, Philippines - Dalawang ginto at limang pilak ang naiuwi ng ipinanlaban ng PATAFA sa Hong Kong Inter-City Athletics Championships na ginanap sa Tseung Kwan O Sports Ground, Hong Kong noong Sabado at Linggo.
Si Narcisa Atienza ang siyang pinakaproduktibong atleta ng bansa nang mag-uwi ng isang ginto at dalawang pilak.
Nagwagi ng ginto si Atienza sa paboritong high jump sa 1.73 meters bago pumangalawa sa javelin throw (43.68m) at shotput (11.67m).
Ang ginto sa javelin throw ay napunta kay Josie Villarito na may 48.48m marka.
Ang iba pang silver medals ay naibigay nina Rene Herrera, Edgardo Alejan Jr. at Lorelie Sermona.
Naorasan ang SEAG gold medalist sa 3,000m steeplechase na si Herrera ng 15:01.73 sa 5000m para pumangalawa kay Mun Jeong Ki ng Korea na may 14:59.41.
Sa 5000m tumakbo si Herrera dahil ito ang kanyang event sa London Olympics.
Si Alejan ay may 48.41 segundo tiyempo sa 400m run para pumangalawa kay Nakajima Masamichi ng Japan na may 47.09 habang si Sermona ay nakapagtala ng 48.04m para maging malayong second placer sa women’s hammer throw kay Kangna Ru ng Korea na may 57.42m.
Sina Isidro Del Prado Jr., Benigno Marayag, Manuel Lasangue Jr. at Gustil Pido ay minalas naman at hindi nakapaghatid ng medalya.
Si Del Prado ay pumang-apat sa men’s 200m run (22.31 sec.), panlima si Marayag sa men’s long jump (7.28m), si Lasangue ay pumang-apat sa men’s high jump (2.09m) at si Pido ay pumanglima sa men’s javelin throw (62.53m).
Ang pagbiyaheng ito ng mga atleta ay suportado ng Philippine Sports Commission (PSC).