MANILA, Philippines - Hinirang bilang mga unang kampeon sa 36th National Milo Marathon sina Hernanie Sore at Christabel Martes na ginawa kahapon sa Baguio City.
Ang 30-anyos na si Sore ay naorasan ng 1:14:59 para pangunahan ang kalalakihang lumahok sa 21-kilometer karera habang si Martes ay nagsumite ng 1:34:46 para dominahin ang kababaihan.
“Hindi ako nakapagsanay kaya nagulat ako na nanalo pa ako,” wika ni Sore na tinalo sina Cesar Lastaneto Jr. (1:15;)3) at Marson Tarcelo (1:20:18).
Pumangalawa kay Martes sina Mercy Taypok ng University of Baguio (1:38:30) at Gretchen Felipe (1:49:32).
Ang nangunang 25 kalalakihan at 3 kababaihan ang nakalusot sa qualifying criteria at makakasali sa National Finals sa Disyembre 9 sa SM Mall Of Asia sa Pasay City
Matapos ang Baguio ay lilipat ang regional qualifying sa Dagupan sa Hulyo 8.
Susunod na leg ay sa Hulyo 15 na gaganapin naman sa Angeles City.