MANILA, Philippines - Ipinangako ni POC president Jose Cojuangco Jr. ang pagkakaroon ng mas malawak na suporta ng national archers matapos ang tagumpay na ibinigay nina Mark Javier at Rachel Cabral-dela Cruz sa idinaos na huling Olympic Qualifying tournament sa Ogden City, Utah, USA.
Nagtagumpay sina Javier at Cabral sa idinaos na qualifying tournament dahil na rin sa tulong mula sa kanilang bagong Korean coach Chun Jae-hun.
Si Chun ay lumakad pabalik ng Korea upang makaamot ng suporta sa mga makabagong kagamitan na siyang ipinanlaban nina Javier at Cabral.
Mga luma na at may diperensya na ang dating pana ng dalawang archers at pinagtitiisan ito dahil hirap kumuha ng suporta sa PSC.
“I’m not an archer but I know how important equipment is. From now on, we will have to do it right,” wika ni Cojuangco sa panayam sa DZSR.
Wala siyang nakikitang problema sa panig ng PSC dahil nauna na silang nakapag-usap ni chairman Ricardo Garcia hinggil sa pagbili ng makabagong kagamitan sa archery.
Matagal nang sinasabi ni Cojuangco na ang archery ang isang sport na maaaring pagmulan ng kauna-unahang medalyang ginto ng bansa sa Olympics.
Sa dalawang archers, si Javier ang mas beterano dahil nakasali na siya sa Beijing Olympics na nangyari apat na taon na ang nakalipas.
Para mapaghandaan ng masinsinan ang Olympics na itinakda mula Hulyo 27 hanggang Agosto 12, balak ni Chun na isalang sina Javier at Cabral-dela Cruz sa pagsasanay sa Korea bagay na suportado ni Cojuangco.
Maliban sa PSC, tumutulong din sa pangangailangan ng mga archers si Felizardo Sevilla na siyang godfather ng nasabing sport.