Titulo ipinagkait ng Warriors sa San Miguel
MANILA, Philippines - Inilabas ng Indonesia Warriors ang masidhing hangarin na maging kampeon nang talunin nila ang San Miguel Beermen, 78-76, sa do or die game para sa 3rd AirAsia ASEAN Basketball League title kagabi sa umaapaw na Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ang Fil-Am na si Stanley Pringle ay mayroong 28 puntos habang si Evan Brock ay naghatid ng 15 at ang dalawa ang nagsanib-puwersa upang hindi pahabulin ang Beermen tungo sa kauna-unahang kampeonato sa ikalawang paglalaro sa Finals ng Indonesia.
“I’ll be wasting my time putting gin words. I’m just overwhelmed with pride for my guys. We did it as a team and I’m proud of our team,” wika ni Warriors coach Todd Purves na naunang pinarangalan bilang Coach of the Year ng liga.
Ang dalawang free throws ni Brock sa huling 29.8 segundo ang nagbigay ng 78-74 bentahe sa Warriors bago sinandalan ang mga magagandang breaks sa endgame para isantabi ang pagbangon ng Beermen.
Humabol ng 13 puntos (57-70) may 6:46 sa orasan, inilapit pa ni Duke Crews ang home team sa dalawa 76-78, bago binigyan ng Beermen ng foul si Brock may 1.6 segundo sa orasan.
Sumablay ang dalawang free throws ng 6’10 import at ang bola ay nakuha ni Nick Fazekas. Ngunit sa di inaasahang pangyayari, gumawa siya ng desperation shot na kinapos upang manalo ang Warriors.
Si Crews ay mayroong 29 puntos habang si Chris Banchero ay nagdagdag ng 16 puntos bago na-foul out may 2:39 sa labanan.
“Painful to lose this way because we left everything on the floor tonight. Just didn’t get the breaks,” wika ni SMC director ng basketball Noli Eala.
Ito ang ikalawang sunod na ABL Finals na ang mga dayuhang koponan ay nagselebra sa Pilipinas matapos ang tagumpay ng Chang Thailand Slammers sa Philippine Patriots noong sa 2nd season ng regional basketball league.
- Latest
- Trending