Energen SEABA Champ
MANILA, Philippines - May 18 puntos kasama ang apat na tres, si J-Jay Alejandro para pangunahan ang Energen Pilipinas na nanalo sa Indonesia, 81-57, upang hiranging kampeon sa 8th SEABA Under-18 Championship na nagtapos kahapon sa Singapore.
Sina Rey Benedict Nambatac at Janus Kyle Suarez ay nag-ambag pa ng 15 at 13 puntos para sa tropa ni coach Olsen Racela na matagumpay na nadepensahan ang hawak na kampeonato sa SEABA.
Bago ito ay nanalo muna ang Pilipinas sa Malaysia, 84-65, noong Biyernes para makumpleto ang 5-0 sweep at makuha ang karapatang maglaro sa FIBA Asia Championship sa Agosto sa Mongolia.
Tinapos ng Indonesia ang limang bansang kompetisyon tangan ang 4-1 karta at makakasama ng Pilipinas sa Mongolia bukod pa ang host Singapore na tinalo ang Malaysia, 75-58, sa isa pang laro.
“2012 SEABA U18 champions! Next stop Mongolia for the FIBA-Asia tournament. Thank you Jun Sy, Joel and Ito Lopa,” pahayag ni Racela sa kanyang tweeter.
Si Jun Sy ang may-ari ng Energen at muling tumulong sa Youth team dahil walang pumasok na sponsors na tutulong sa pangangailangan at gastos sa pagbiyahe ng koponan.
Di tulad sa mga nagdaang laro, dikitan ang labanan sa rebounding at angat lamang ang Pilipinas ng dalawa, 43-41, pero nadaan sa teamwork ng Pambansang koponan ang laro sa naitalang 20 assists kumpara sa anim lamang ng Indonesia.
Nagtala rin ng respetadong 42% shooting ang nationals mula sa 33 of 79 marka kumpara sa 28% lamang ng katunggali sa 19 of 69 na ipinakita.
Walo rin lamang ang turnovers ng Pilipinas at gumawa sila ng 12 steals para magkaroon ng 18 errors ang Indons na naging 17 transition points.
Si Jan Misael Panagan lamang ang umiskor ng doble pigura para sa Indonesia sa kanyang 13 marka.
- Latest
- Trending