Kings sa semis na

Manila, Philippines -  Nakamit ng Gin Kings ang kanilang gustong ma­kuha para makaiwas sa anu­mang komplikasyon.

Sinandalan ng Baran­gay Ginebra si Mark Ca­guioa sa huling dalawang mi­­nuto ng final canto para talunin ang Barako Bull, 102-91, at angkinin ang isang semifinals berth sa 2012 PBA Governors Cup kahapon sa Smart-Araneta Coliseum.

Humakot ang 2001 PBA Rookie of the Year na si Caguioa ng 22 points, walo rito ay kanyang ginawa sa fourth quarter, para sa Gin Kings sa ilalim ng 28 mar­kers ni import Cedric Bo­­zeman.  

Itinaas ng Ginebra ang kanilang baraha sa 5-4 sa ilalim ng semifinalist nang Rain or Shine (7-1), B-Meg (5-3) at Talk ‘N Text (5-3) kasunod ang nag­de­­depensang Petron Bla­ze (4-4),Powerade (4-4), Meralco (4-4), Barako Bull (3-5) at mga sibak nang Air21 (2-6) at Alaska (2-7).

“Mabuti nakapasok kami (sa semis),” ani coach Siot Tanquingcen. “Diinan na ito. Somehow we have to find away to play on a consistent level. Pangit ang consistency namin. We turned the ball over too much.”

Matapos buksan ng Ener­gy ang laro mula sa 8-0 lamang, inagaw naman ng Gin Kings ang first period, 31-22, at itinayo ang isang 12-point lead, 48-36, sa dulo ng second quarter.

Ipinoste ng Ginebra ang isang 15-point advantage, 66-51, sa 5:23 ng third pe­riod mula sa isang three-point play ni Willy Wilson hanggang maagaw ng Ba­rako Bull ang unahan sa 81-80 sa 6:54 ng final canto buhat kina balik-import Leroy Hickerson, two-time PBA Most Valuable Player Willie Miller, Mick Pennisi at Danny Seigle.

Isang 11-3 atake naman ang ginawa nina Bozeman, Wilson at Rico Villanueva upang ibigay sa Gin Kings ang 91-84 bentahe sa hu­ling 3:34 ng laro.

Huling nakalapit ang Energy sa 87-91 agwat ga­ling sa three-point shot ni Ronald Tubid sa 3:15 nito kasunod ang 9-0 ratsada nina Caguioa at Villanueva para sa 100-87 abante ng koponan ni Tanquingcen.

Ginebra 102 -- Bozeman 28, Caguioa 22, Villanueva 11, Wilson 9, Raymundo 9, Cortez 8, Maliksi 6, Ababou 3, Maierhoffer 3, Canaleta 3, Hatfield 0.

Barako Bull 91 -- Hickerson 21, Seigle 14, Miller 12, Allado 10, Pennisi 9, Tubid 7, Kramer 6, Najorda 5, Cruz 4, salvacion 3.

Quarterscores: 31-22; 54-43;74-71; 102-91.

Show comments