Altas pinirata ang Pirates

MANILA, Philippines - Binigyan ng University of Perpetual Help System Dalta ang bagong head coach na si Aric del Rosario ng magandang pagsalubong sa 88th NCAA men’s basketball nang kunin ang 82-70 panalo sa Lyceum kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Nakitaan ng tibay ng dibdib ang Altas nang naglaho ang 17 puntos ka­lamangan, 43-26, sa kaagahan ng ikatlong yugto at naging dalawa,a 59-57, sa pagbubukas ng huling yugto.

Pero hindi na nakalapit pa ang Pirates dahil sa pagtutulungan nina Jett Vidal at Earl Thompson para makatikim ng panalo ang Altas sa unang laro sa liga na huling nangyari noong 2007 pa.

“Ang sinabi ko lang sa kanila huwag nilang intindihin kung dikit. Kailangan lamang na umiskor tayo dahil kung lumamang sila, bababa ang morale ninyo,” ani ng 72-anyos na si Del Rosario na huling nag-coach noong 2004 sa UST sa UAAP.

Si Vidal ay mayroong 17 puntos, 13 rito sa second half, habang sina Thompson at Nigerian Nosa Omorogbe ay may 16 at 14 puntos para sa Altas.

May anim na puntos si Thompson habang nagpakawala ng ikatlong tres sa second half si Vidal na nagpasiklab sa 15-4 palitan upang lumayo ang Altas sa 74-61.

“Malayo pa ang laban at kung 17 wins na kami ay sasabihin ko na palaban kami sa titulo. Marami pang maling ginawa ang team pero magandang simula ito,” dagdag ni Del Rosario.

Nalaglag sa ikalawang sunod na kabiguan ang Pirates na pinangunahan uli ni Chris Cayabyab taglay ang 17 puntos.

Show comments