MANILA, Philippines - Sa preparasyon ng 5-foot-6 na si Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. laban sa 5’10 na si Jeffrey Mathebula ng South Africa, ilang matatangkad na sparmates ang kinuha ni Mexican trainer Robert Garcia.
“He has been sparring with tall sparring partners and people that are a lot heavier than him,” ani Garcia kay Donaire. “He has been pushing himself really hard to come out and put on a really good performance.”
Ito ang unang pagkakataon na may makakalaban si Donaire na mas matangkad sa kanya.
Sasagupain ng 29-anyos na si Donaire ang 32-anyos na si Mathebula para sa kanilang unification championship fight sa Hulyo 7 sa Home Depot Center sa Carson, California.
Itataya ng tubong Talibon, Bohol ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) super bantamweight crown, habang ilalatag naman ni Mathebula ang kanyang bitbit na International Boxing Federation (IBF) belt.
Dala ni Donaire ang kanyang 28-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 18 KOs kumpara sa 26-3-2 (14 KOs) card ni Mathebula.
Si Donaire ay nagkampeon na sa flyweight division ng IBF at IBO, naging interim WBA World super flyweight king, tinanghal na bantamweight WBC Continental Americas king at kinilalang WBC at WBO bantam champion.