Energen dinurog ang Laos
MANILA, Philippines - Magarang panimula ang ginawa ng Philippine under-18 men’s team sa 2012 SEABA U-18 men’s championship nang ilampaso ang Laos, 124-28, na nangyari noong Miyerkules sa Singapore basketball Centre.
Anim na manlalaro ni coach Olsen Racela ang umiskor ng 12 puntos pataas at ang koponang suportado ng Energen Pilipinas, ay umarangkada agad sa 34-10 matapos lamang ang isang quarter.
Si Mario Bonleon ang namuno sa mabangis na laro ng nationals sa kanyang 24 puntos, o apat na puntos kulang para tapatan ang ginawa ng Laos, habang si Kent Lao ay mayrong 16 puntos at 15 rebounds.
Sa unang yugto lamang nakaiskor ng doble-pigura ang Laos para lasapin ang ikalawang sunod na pagkatalo sa limang bansang kompetisyon.
“One down, three to go,” wika ni coach Olsen Racela na nais na mapanatili sa Pilipinas ang kampeonato sa SEABA.
Ang Singapore ang sunod na kalaban ng Pilipinas na ginawa kagabi at naniniwala si Racela na masusukat ang kanyang koponan lalo pa’t ang host team ay nagnanais na pag-ibayuhin ang kasalukuyang 1-1 baraha.
Nanalo ang Singapore sa Laos, 123-19, pero natalo sa Indonesia, 43-54.
Ang Indonesia ang siyang namamayagpag sa torneo sa malinis na 2-0 karta at ang Malaysia ang isa pang koponan na kanilang pinataob, 81-73.
“Singapore will be a good test to our team. Sana ipagdasal ninyo kami,” dagdag ni Racela gamit ang kanyang tweeter.
Ang Malaysia ang kalaro ng Pilipinas sa Biyernes bago isunod ang Indonesia kinabukasan.
Single round robin ang format at ang mangungunang koponan ang siyang hihiranging kampeon.
Ang papangalawa at papangatlo matapos ang eliminasyon ay makakasama ng kampeon na kakatawanin ang South East Asia sa FIBA Asia U-18 Championship sa Ulaanbaatar, Mongolia mula Agosto 17 hanggang 26.
- Latest
- Trending