MANILA, Philippines - Walang ibinigay na prediksyon si world super bantamweight king Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. para sa kanilang unification championship fight ni Jeffrey Mathebula ng South Africa sa Hulyo 7 sa Home Depot Center sa Carson, California.
Sinabi ng 29-anyos na si Donaire na hindi pa niya alam kung ano ang istilo ng 32-anyos na si Mathebula.
“This is the first time that I don’t know what to expect out there,” wika ni Donaire, isusugal ang kanyang hawak na World Boxing Organization (WBO) super bantamweight crown, habang itataya naman ni Mathebula ang kanyang suot na International Boxing Federation (IBF) belt.
Tangan ni Donaire ang kanyang 28-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 18 KOs, samantalang dala ni Mathebula ang kanyang 26-3-2 (14 KOs) slate.
“To be a unified champion and challenge anyone out there to make me undisputed is a dream that I have in place and looking forward to making that happen,” sabi ng na tubong Talibon, Bohol sa kanyang pangarap.
Ito ang unang pagkakataon na ipagtatanggol ni Donaire ang kanyang WBO super bantamweight crown mula sa kanyang unanimous decision win laban kay Wilfredo Vazquez, Jr. noong Pebrero.
Naghari na si Donaire sa flyweight division ng IBF at IBO, hinirang na interim WBA World super flyweight king, tinanghal na bantamweight WBC Continental Americas king at kinilalang WBC at WBO bantamweight champion.